BAGUIO CITY – Iniulat ng male dorm ng Baguio City Jail na humigit-kumulang 57 porsiyento ng 390 Persons Deprived of Liberty (PDLs) ang nahaharap sa mga kaso sa lokal na korte dahil sa paglabag sa mga kaukulang probisyon ng Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sinabi ni Mary Ann Tresmanio, jail superintendent ng city jail male dorm, na pumapangalawa ang panggagahasa kung saan 55 PDL ang sumasailalim sa paglilitis, kasunod ang 24 PDL na nahaharap sa kasong murder, 16 PDL na kinasuhan ng acts of lasciviousness at 15 PDL na nahaharap sa kasong homicide.
Sinabi ni Tresmanio, ang male dorm ay karaniwang normal, walang insidente ng pagtakas, walang riot o kaguluhan sa kulungan na naitala at ang pasilidad ay nananatiling drug-free at smoke-free sa nakalipas na ilang taon.
Sa pagtugon sa pamamahala ng COVID-19, sinabi niya na ang pasilidad ay nag-renew ng kanilang Safety Seal certificate noong Marso 11, 2022 na may isang taong bisa.
Aniya, lahat ng tauhan ng male dorm ay 100 porsyentong nabakunahan at may booster shots habang ang mga PDL ay 98.17 porsiyentong nabakunahan.
Sa pamamagitan ng community quarantine na ibinaba sa Alert Level 1, itinakda na ang face-to-face no contact visitation ng mga immediate na pamilya ng mga PDL ay naipatupad na.
Idinagdag niya na ang mga aktibidad sa pagpapaunlad ay nagpapatuloy sa pasilidad sa pamamagitan ng mga online platform upang matiyak na ang mga PDL ay magkakaroon ng access sa kanilang mga miyembro ng pamilya at mga kamag-anak na gustong makipag-ugnayan sa kanila at para sa anumang layunin.
Mayroong 37 PDLs ang naka-enrol sa high school at 3 PDLs na naka-enrol sa elementarya sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS) ng departamento ng edukasyon para makakuha sila ng mas mataas na antas ng edukasyon na magagamit nila sa paghahanap-buhay kapag nakalaya na sila sa pasilidad.