Ilang linggo lang matapos magtala ng nasa 90,000 na dumalo sa tinawag na “#PasigLaban” grand rally ng Leni-Kiko tandem, pinalagan ang nasabing rekord matapos dumugin ng nasa 220,000 Kakampinks ang rally sa San Fernando, Pampanga, Sabado, Abril 9.
Ang record-breaking na "MANALAKÁRAN: Pampanga People’s Rally" nina Presidential aspirant at Vice President Leni Robredo at running mate nitong si Sen. Kiko Pangilinan ay isang mabigat na paghamon sa lalawigan na kilalang baluwarte ni dating Congressman Gloria Arroyo ng unang distrito ng Pampanga, kilalang kaalyado ng mahigpit na karibal ni Robredo sa Palasyo na si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Matatandaang kamakailan ay nagbitiw ng mabigat na prediksyong “landslide victory” sa lalawigan ang kongresista at dating pangulo para kay Marcos Jr.
Tinatayang namang nasa 220,000 na mga tagasuporta ng Tropang Angat ang pumuno sa open area ng Robinsons Starmill sa San Fernando, Pampanga, ayon sa pagtatala ng lokal na pulisya.
Sa kanyang talumpati, naglatag ng resibo si Robredo sa mga Kapampangan sa kanyang anim na taong administrasyon sa Office of the Vice President (OVP). Aniya, ito ang magpapatunay na tinutupad nila ang kanilang mga pangako.
Muli ring iginiit ng naghahangad na pangulo ang pagyakap sa anumang kulay kung siya ang mailuluklok na sa Palasyo.
“Ang obligasyon namin, dapat kami maging lingkod-bayan sa kahit anong kulay. Ngayon, marami sa inyong naka-pink. Pero ‘pag ako naging pangulo, magiging pangulo ako hindi lang ng naka-pink, pero magiging pangulo ako ng lahat na kulay,” pangako ni Robredo sa 220,000 Kakampinks at libu-libong nanunuod sa magkakahiwalay na online broadcasts ng pagtitipon.
Naging highlight din ng rally ang emosyonal na si Pangilinan matapos sorpresang umakyat sa entablado ang ilang magsasaka sa Pampanga at inendorso ang kandidatura nito kasama ang ka-tandem na si Robredo.
Samantala, pinuri ng mga netizen at kapwa Kakampinks ang umiral na pagbabayanihan sa naganap na rally sa tinaguriang “Culinary Capital of the Philippines.”
Bukod kasi sa malikhaing presentasyon sa mismong venue at mga higanteng parol na ibinalandra sa ilang sulok ng venue, bumuhos din ng libreng pagkain, alcohol, at tubig para sa mga dumalo.
Star-studded din ang rally na dinaluhan ng ilang sikat na celebrities kabilang na si Nadine Lustre, Miles Ocampo, Jona, Sam Concepcion, bukod sa iba pa.