ILOILO CITY — Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na walang katotohanan ang balitang isang grupo ang naglilibot at may layuning mandukot ng mga teenager sa lungsod at lalawigan ng Iloilo.

‘It’s not true. This is fake news,” sabi ni Lieutenant Colonel Arnel Solis, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO-6).

Inilabas ng PRO-6 ang pahayag bilang tugon sa mga text message na nagmula umano sa Jaro PNP sa Iloilo City at kumakalat.

Sinasabi sa mga text message na isang grupo na gumagamit ng dalawang van na dumating mula sa Maynila ang umano'y dumukot sa tatlong dalagita, na sinasabing dinadala sa mga bayan ng Sara at San Dionisio sa hilagang lalawigan ng Iloilo.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ibinigay din sa mga text message ang umano'y plate number ng dalawang van.

Sinabi ni Solis sa Manila Bulletin sa isang panayam noong Biyernes, Abril 8, na kung sino man ang unang nagpadala ng text message ay gumagamit nga ng tunay na pangalan ng mga tauhan mula sa Jaro PNP.

“But that personnel did not send it. They just probably use the name to make it believable,” dagdag ni Solis.

Ang pekeng impormasyon na muli lang ipinakalat ay hindi na bago sa nakalipas na isang dekada. Ngunit sa pagkakataong ito, nakapaloob sa text message ang pangalan ng isang tauhan ng isang police station.

Samantala, hinimok ni Solis ang publiko na ihinto ang pagpapasa ng mga mensahe.

Tara Yap