Nagkaroon ng malaking kontribusyon ang vaccination program sa pagbaba ng mga kaso ng coronavirus disease (Covid-19) sa bansa, ayon kay OCTA Research Fellow, Dr. Guido David nitong Sabado, Abril 9.
Sa nakalipas na dalawang taon kapansin-pansin ang isa sa mga noticeable trends na pagkakaroon ng surge waves.
“Medyo sinu-support nga nito yung hypothesis na humina yung immunity natin after a period of time usually mga three to four months pero sa ngayon maganda naman ang kalagayan natin," ani David sa isang press briefing.
Binanggit din niya na posibleng hindi mangyari ang Covid-19 surge sa bansa.
“Kasi umpisa na magkaroon tayo ng mass vaccination talagang na-control na natin, especially yung hospitalization. In fact ngayon, over the past two years isa tayo sa may pinakamagandang kalagayan sa Southeast Asia," aniya.
“We’re proud of that. Ibig sabihin kahit papano, may mga lapses tayo siguro sa umpisa pero ngayon maganda na yung pandemic management natin. Sana magtuloy-tuloy ito in the next years," dagdag pa niya.
Samantala, binanggit din ng research fellow ang banta ng World Health Organization sa posibleng surge kung patuloy na hindi susundin ng publiko ang health and safety protocols at hindi pagpapabakuna laban sa Covid-19.
Gayunman, kasalukuyang nasa very low risk classification ang bansa.