Nanawagan si presidential candidate at Senador Manny Pacquiao sa mga 'Christians' na suportahan ang kaniyang kandidatura, habang nasa Batangas sortie nitong Biyernes, Abril 8, 2022.
Inaasahan umano ni Pacquiao na susuportahan siya ng mga Kristiyano sa darating na halalan sa Mayo 9, ayon sa media briefing habang isinasagawa ng campaign sortie sa Nasugbu, Batangas.
"If you're really a true Christian, real Christian, then support your brother," ayon sa senador.
Handa raw niyang suportahan ang isang nuisance candidate basta Christian ito.
"Kasi kahit ako ba naman 'pag may isa akong kapatid sa Panginoon na tumatakbo, kahit nuisance pa 'yan susuportahan ko 'yan dahil kapatid ko siya."
"Unless kung fake ang pagiging Christian ko, magdesisyon ako ng sarili kong desisyon kung gano'n, 'di ba? Pero I'm sure true Christians are supporting each other at nagmamahalan sa bawat isa," giit pa ng presidential candidate.
'Yung churches sa buong bansa, I'm sure na iisa lang naman ang paniniwala namin, the same Spirit was distributed to us, so I'm sure na nagtutulungan kami, nagkakaisa kami, lalong lalo na magkakapatid kami sa Panginoon. Para bang isang kapatid mo tumatakbo, I'm sure you will support your brother."
Bukod sa sortie, dumalo rin si Pacquiao sa isang prayer gathering ng Christian community sa Nasugbu.