Para sa batikang aktres na si Rita Avila, ang mga artistang sumasama sa kampanya ni Presidential hopeful at Vice President Leni Robredo ay mamayang Pilipino rin na naghahangad ng maayos na pamumuhay para sa lahat.
Ito ang ipinunto ng celebrity Kakampink sa kanyang obserbasyon ng pagtawag na "laos" sa mga artista o singer na nakikiisa sa kampanya ni Robredo.
“Mas laos ang mga nagfafollow sa‘min o nagpupunta sa socmed [social media] account namin para mamintas lang. Kaya namin ‘yan. Kasama sa trabaho namin yan eh,” pahayag ng aktres sa kanyang Facebook post nitong Biyernes, Abril 8.
Iginiit din ni Rita na “walang arti-artista” sa panahon ng kampanya.
“Sumusuporta kami bilang FILIPINO CITIZENS, para sa buhay nating lahat lalo na yung nasa laylayan. Wala ng arti-artista dito. Bilang TAO katulad nyo ay gusto din namin ng maayos na pamumuhay para sa LAHAT ng Pilipino. Kasama kayo,” dagdag ni Rita.
Pinasalamatan naman ni Rita ang mga patuloy na naniniwala sa lugar ng mga celebrity pagdating sa eleksyon, sa kaso ng artista, sa kampanya ni Robredo.
“Salamat sa inyo. Ang mundong ito ay uhaw sa mabubuting salita, totoong salita, at pang-angat na salita,” ani Rita.
Iginiit ng aktres na ang pagkakaiba aniya ng “paninira” sa katotohanan.
“Galit sila sa “paninira” daw natin. Wala namang paninira, sinabi lang natin ang totoong kasiraan para alam ng iba."
“Masama ang ginagawa nila na nagbabayad para may manira, mambastos at balikuin ang kwento tungkol kay VP Leni. Masama ang ginagawa nila na pinaniniwala ang mga tao ng maling impormasyon,” aniya.
Pakiusap ng aktres sa mga namimintas sa kanilang mga artista, “Huwag kayo magalit sa’min.”
Inaasahan naman ng celebrity Kakampink na lalala pa ang "paninira at pambabastos" sa mga kagaya niya artista sa likod ng kandidatura ni Robredo.
“Lalala pa ang paninira at pambabastos nyo. Ang bigat na dalahin nyo yan mga kapatid at anak kong Pilipino. Negative minds + Negative words = Negative health and Negative lives,” ani Rita.
Si Rita ay isa sa mga aktibong celebrity Kakampink na nakikiisa sa mga house to house campaigns at grand rally ni Robredo at ng running mate nitong si Sen. Kiko Pangilinan.