Kumakalat at pinag-uusapan ngayon sa social media ang 'di umano'y voice recording ni Camarines Sur 2nd District Rep. LRay Villafuerte tungkol sa pag-uutos umano nito na gumawa ng fake news laban kay presidential candidate at Vice President Leni Robredo.

Sa voice recording ay mapapakinggan ang pag-uutos umano ni Villafuerte sa isang babae na gumawa ng isang balita tungkol kay Robredo. 

Iniutos umano ng kongresista na sabihing kakampi ni Robredo ang mga umano'y scammers kagaya ni Andaya, ngunit hindi natukoy kung sino ito. 

As of writing, wala pa siyang pahayag tungkol sa isyung ito ngunit noong Marso 27, nagpost si Villafuerte sa kanyang Facebook na mayroong kinakalat ang kanyang mga kalaban na audio recording na siya raw ang nasa recording.

"Meron kinakalat ang aming mga kalaban na DEEP Fake audio recording na ako daw nasa recording. Mag-google Lang po kayo at magsearch sa YouTube. Nandoon kung paano i-fake o gayahin ang boses mo eksakto," saad ni Villafuerte ngunit wala namang nabanggit kung anong recording ang kumakalat.

"Ganyan na ang technology ngayon. Ang mga kalaban namin magaling lang manira kasi alam nila mga talo na sila," dagdag pa niya.

Irereport niya sa National Bureau of Investigation (NBI) ang nasabing recording para ma-imbestigahan.

"I will report this to the NBI para ma investigate at mapa hinto na itong mga taong ito. Alam naman namin at meron na kami ebidensya nag-operate itong mga taong ito sa naga city pero malinaw ang mga boss nila ay mga abusado DYAN sa Partido," ani Villafuerte.

Samantala, magbibigay siya ng P5,000,000 pabuya sa kung sinuman ang magkapagsasabi sa kanya kung saan galing ang umano'y pekeng recording laban sa kanya.

"Meron din ako offer php5,000,000 Kung Sino makapagsabi Saan Galing itong deep fake recording kinakalat ngayon against me. Hindi ako titigil hanggang makulong kung sino mga involved sa mga ito. Very obvious Alam na namin na galing ito sa partido at nag-operate sila sa isang bahay sa Naga City," dagdag pa niya.

Samantala, trending topic ngayon sa Twitter si Villafuerte dahil sa naturang audio recording.