Hindi napigilan ang mga tagsuporta ni dating senador Bongbong Marcos Jr. at sumugod pa sa isang campaign sortie nina Presidential aspirant at Vice President Leni Robredo at running mate nitong si Sen. Kiko Pangilinan nitong Biyernes, Abril 8.
Sa Pangasinan nanligaw ngayong araw ang Robredo-Pangilinan tandem, isa sa mga lalawigang kabilang sa tinatawag na “Solid North” o umano'y baluwarte ng mahigpit na karibal ni Robredo sa Palasyo na si Marcos Jr.
Sa kumakalat nang video sa social media nitong Biyernes, makikita ang ilang mga tagasuporta ni Marcos na sumugod sa isang sortie ng Robredo-Pangilinan sa Villasis, Pangasinan.
Dala ang poster na nakaimprenta ang mukha ng UniTeam tandem nina Marcos at running mate nitong si Davao City Mayor Inday Sara, “BBM-Sara” ang sigaw ng grupo habang maririnig ang talumpati ni Pangilinan.
Tila napansin naman ni Robredo ang grupo ngunit sa halip na kundenahain at pinasalamatan ng kandidato ang nasabing grupo.
“Ang Pilipino sanay na nagrerespeto ng bawat isa kahit ano ‘yung paniniwala. Ang magsasalba po sa atin hindi yung mga gusto natin kandidato pero ‘yung pagkakaisa natin lahat. Ang tunay na pagkakakiisa nakaugat sa mabuting pag-uugali. Ang tunay na pagkakakiisa nag-uugat sa pagrespeto ng bawat isa kahit iba ang paniniwala natin,” maririnig na sabi ni Robredo habang sinabayan ng hiyawan ng mga Kakampink.
“Kaya po ako nagpapasalamat sa inyo, pinaglalaban niyo ‘yung paniniwala niyo kahit mahirap. Doon po natin nasusukat ‘yung pagmamahal natin sa ating bayan; na kahit mahirap, minamahal pa rin natin ang ating bayan; na kahit mahirap, pinaglalaban pa rin natin yung paniniwala natin na tama—na hindi lang tayo basta-basta sumusunod sa agos. Tinitignan natin, saan ba mapapabuti ang ating bayan,” dagdag niya.
Makikita namang tila tumahimik ang grupo sa talumpati ng bise-presidente.
Samantala, tinatayang nasa 60,000 na mga Pangasinense ang naitala ng lokal na pulisya na sumipot sa #TalindegPangasinan sa Dagupan City nitong Biyernes para sa tandem.
Ilang trending topics din ng grand rally ang naitala sa Twitter kabilang ang #TalindegPangaisnan, #PampangaisPink, #KabaLENIKIKO, bukod sa iba pa.