Umakyat na sa 50 ang mga na-overhaul na bagon o train car ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).
Sa isang Facebook post, ibinahagi ng MRT-3 na nai-deploy na sa linya ang isang bagon bago magsara buwan ng Marso, at isa pang bagon nito lamang Miyerkules, Abril 6 matapos pumasa ang mga ito sa mga serye ng speed testing at quality checks.
"Sa kabuuan, 22 bagon na lamang sa 72 bagon ng MRT-3 ang naka-schedule na ma-overhaul ng maintenance provider ng linya. Nakatutulong ang pagtaas ng bilang ng mga operational train cars ng MRT-3 sa pagpapataas ng line capacity nito," anang MRT-3.
Dagdag pa ng MRT-3, kasalukuyang kaya nilang magpatakbo ng hanggang 21 train set kasama ang 19 na 3-car CKD train sets at dalawang 4-car CKD train sets.
"Nasa 100% ang passenger capacity ng mga tren na may katumbas na 394 pasahero kada train car o 1,182 kada train set. Kaya namang makapagsakay ng 4-car CKD train set ng 1,576 na pasahero," saad nito.
Gayunman, mahigpit pa ring ipinatutupad ng Covid-19 health and safety protocols sa buong linya.