Pagiging presidential adviser o tagapayo sa anak ang bet na maging papel ni Aling Dionisia Pacquiao o mas kilala bilang Mommy D, kung sakaling itadhana ng kapalaran na ang anak na si 'People's Champ' at presidential candidate na si Senador Manny Pacquiao ang ihalal ng taumbayan sa darating na Mayo 9, bilang susunod na pangulo ng Pilipinas.

Ayon sa ulat, iyan daw ang kaniyang tugon nang minsang matanong siya tungkol dito. Kahit inilarawan niya ang sarili bilang 'maliit na nanay', nakahanda umano siyang umagapay sa kaniyang anak.

“Bilang nanay, concern ang abot ko. Kahit maliit lang akong nanay, adviser ako sa kanila,” wika umano ni Mommy D. Malaki umano ang maitutulong ng presensya ng isang ina sa kaniyang anak na may mabigat na tungkulin sa buong bansa.

“Katulad sa aming tinitirahan, adviser ako sa buong subdivision namin sa General Santos City. Malaking tulong ang parents na nandiyan sa tabi ng anak,” aniya pa.

Nanawagan ang 'Pambansang PacMom' sa publiko na bigyang-pagkakataon ang anak na mapamunuan ang bansa.

“Pagbigyan na lang nila si Manny. Ang gustong-gusto ko, hayaan na lang nila si Manny ang humawak dito sa buong Pilipinas,” pahayag umano ito.

Ang huling balita kay Mommy D ay nang aminin niya sa mismong proclamation rally ng anak noong Pebrero, na noong una ay tutol siya sa pagtakbo ng anak sa pagkapangulo, lalo't nakikita niyang sako-sakong pera ang nawawala sa kanila.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/02/09/mommy-dionisia-windang-sa-pagtakbo-ni-manny-baka-maubos-ang-kuwarta/">https://balita.net.ph/2022/02/09/mommy-dionisia-windang-sa-pagtakbo-ni-manny-baka-maubos-ang-kuwarta/

"Noong tumatakbo pa siya for the first time dito sa General Santos, umiyak ako kasi ilang sako na ng pera ang nakita kong nawala," pahayag ni Mommy D.

"Sabi pa ng mga amiga ko, ‘Mommy, ang anak mo bigay nang bigay ng pera, baka maubos ang kuwarta!’"

"Tapos ito presidente na, sabi ko ‘Manny, iba na talaga to kasi buong bansa na, mas malaki pa sa bariles [tuna] ng GenSan!" dagdag pa ni 'PacMom' na ikinatawa ng lahat, maging ng anak na tumatakbong pangulo ng bansa.