Normal ang naging resulta ng medical check-up ni re-electionist Senator Leila De Lima at hindi naman niya kailangan pang gumamit ng wheelchair papasok at palabas ng Manila Doctors Hospital kung saan ito nanatili nitong Abril 5-6.

“Lumabas na po ang mga resulta ng katatapos ko lang na annual routine checkup. Sa awa po ng Diyos ay wala pong nakita na nakakabahalang sakit o seryosong karamdaman. I am well and I thank the Lord for continuously blessing me with good health,” ayon sa senador.

Nauna nang sinabi ng senador na hindi simpatiya ang hangad nito kundi hustisya bilang tugon sa pahayag ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na siya rin ang acting presidential spokesman, na kailangan niya ng simpatiya lalo pa't kandidato ito bilang senador.

Matatandaang pinayagan ng Muntinlupa Regional Trial Court si De Lima na sumailalim sa general medical examinations  upang matiyak na maayos ang kanyang kalagayan matapos na magduda ang mga doktor na mayroon itong "liver mass" noong 2018 at pinayuhan na magpasuri bawat taon.

 “I am grateful to my family, friends and supporters for their prayers and compassion. My most profound gratitude also to the doctors, nurses and staff of Manila Doctors Hospital for taking good care of me. Maraming salamat. Bukod sa dasal, kayo po ang nagpapalakas ng loob ko,”  dagdag pa nito.

Nakakulong pa rin si De Lima sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame kaugnay ng pagkakasangot umano sa paglaganap ng iligal na droga sa National Bilibid Prison.