Dinagsa ng mga turista ang pamosong Boracay Island sa Malay, Aklan matapos luwagan ng gobyerno ang coronavirus disease 2019 (Covid-19) restrictions sa mga tourist destination sa bansa, ayon sa Department of Tourism (DOT) nitong Huwebes.
Paliwanag ni DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat, naitala nila ang mataas na bilang ng pagdating ng mga turista sa nasabing isla nitong Marso.
Umabot aniya sa 150,597 na turista ang bumisita sa Boracay sa nasabing buwan at halos maabot ang 172,207 na naitala bago ang magkaroon ng pandemya sa bansa noong Marso 2019.
Sa kabila nito, inaasahan pa ni Romulo-Puyat na tataas pa ang bilang ng bibisita na turista sa lugar dahil papalapit na ang Mahal na Araw.
Idinagdag pa ng opisyal na dapat pa ring sumunod ang mga turista sa safety protocols habang nagbabakasyon sa isla ngayong Holy Week na peak season para sa mga bakasyunista.