Nakatawid na ng Dumaguete City, Negros Oriental ang mga nagmamartsang magsasaka ng Sumilao mula Bukidnon siyam na araw matapos simulan ang kanilang panatang ikampanya ang kandidatura ni Presidential aspirant at Vice President Leni Robredo at ang running mate nitong si Sen. Kiko Pangilinan sa ilang isla ng bansa.

Noong Marso 28 inilunsad ng 17 katao, binubuo ng 10 magsasaka at 7 kinatawan ng ilang pesanteng grupo, ang pagmamartsa mula Sumilao, Bukidnon. Ang bilang ay sumisimbolo sa numero ng Robredo-Pangilinan tandem sa balota ayon sa pagkakasunod-sunod.

Matatandaan noong 2007 nang maipanalo ng mga magsasaka ng Sumilao ang laban para sa kanilang ninunong lupain sa tulong ng ng Sentro ng Alternatibong Lingap Panligal (Saligan), isang non-government organization na nagbibigay ng libreng legal na serbisyo.

Bago sumabak sa politika, naging miyembro si Robredo ng naturang NGO na naging boses lalo para sa mga magsasakang nahaharap sa ilang kaso ng pang-aabuso.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Ngayong eleksyon, kagaya ng kandidatura ni Robredo sa pagka-bise presidente noong 2016, muli na namang nagpakita ng suporta ang mga magsasaka ng Sumilao.

Bago makarating ng Dumaguete ngayong Miyerkules ayon sa Robredo People’s Council (RPC), naiulat na ang kanilang bakas ng pangangampanya sa ilang bahagi ng Mindano kabilang ang Cagayan de Oro City, Mamasapano sa Maguindanao, Butuan City bukod sa iba pang lalawigan sa Zamboang Peninsula.

“Sa kanilang pagdating sa Dumaguete, makiki-#TaoSaTaoParaKayRobredo House-to-House campaign din sila bilang pasasalamat para sa tumulong sa kanila na ipaglaban ang kanilang mga karapatan,🌸” mababasa sa ulat ng RPC nitong Miyerkules.

Larawan mula Robredo People's Council via Facebook

Target ng mga magsasaka na marating ang Maynila sa Abril 18 para ikampanya ang tandem sa siyudad.

Ang kanilang pagmamartsa ay bahagi ng pagpapalaganap ng resibo ng mga serbisyo ni Robredo sa mga nasa laylayan, lalo na para sa mga magsasaka, bago pa ito pumasok sa mundo ng politika.