Isa sa mga napag-usapan nina Cristy Fermin at Romel Chika sa April 6 episode ng 'Cristy Ferminute' ang umano'y pang-aakusa ng mga basher kay Asia's Songbird Regine Velasquez-Alcasid na sinulot o inagaw na raw ang pagiging host ng morning talk show na 'Magandang Buhay' kay Momshie Karla Estrada.

Matatandaang pansamantalang umalis sa show ni Momshie Karla dahil sa kaniyang desisyong pagtakbo nilang nominee ng 'Tingog partylist', at dahil magiging abala sa pangangampanya, pansamantala muna siyang hinalinhan ng Songbird.

Ayon sa mga kumakalat na chika ay mukhang mas nagugustuhan na umano ng mga tao si Regine na manatili na forever sa naturang morning talk show, kasama nina Momshie Jolina Magdangal at Momshie Melai Cantiveros. Kinumusta ni Cristy si Romel kung kumusta na ba ang 'paborito' nitong host na si Karla.

"Eh 'di… wala na siyang show!" natatawang sabi ni Cristy.

Chesca pinagbabakasyon muna ng netizens: 'Kami na bahala kay Doug!'

"Naku, ang balita kasi, sinulot na raw siya ni Regine Velasquez!" sabi naman ni Cristy. Ayon daw sa mga bali-balita, manalo-matalo ay wala na raw babalikang show si Queen Mother.

Pero iba naman ang pananaw dito ng 'Reyna ng Showbiz News'.

Naturalmente raw na pinaghandaan ng ABS-CBN ang pansamantalang pag-alis ni Karla, at syempre, isang bigating personalidad ang inilagay nila sa show.

Bago lumipat sa ABS-CBN si Regine ay sanay na siyang maging talk show host sa GMA Network.

"Hindi naman manunulot si Regine," saad ni Cristy. Sa katunayan nga raw ay nagbibigay siya ng trabaho sa ibang tao.

Segunda pa ni Cristy, "Hindi naman kataka-taka kung isang Regine Velasquez ang ilalagay mo sa Magandang Buhay. Regine Velasquez siya, titulado siya, magaling siya, maaasahan siya, professional siya. Ako man ang tagapamahala ng programa, isa si Regine talaga sa mga magiging prayoridad ko."

Dagdag pa, may karapatan daw si Regine na pansamantalang maging host ng Magandang Buhay dahil napakagaling daw nito. Hindi raw lalaki ang pangalan nito kung hindi siya gusto ng mga taong nagtitiwala sa kaniyang kakayahan.

"Tama na nga 'yang mga eme-eme na 'yan, Diyos ko," sey ni Cristy.

Samantala, wala pang tugon o reaksyon si Regine o si Karla tungkol dito.