Ginawan ng isang tula ng pambansang alagad ng sining sa panitikan na si Virgilio Almario o kilala rin bilang 'Rio Alma', ang Leni-Kiko tandem o sina presidential candidate at Vice President Leni Robredo at vice presidential candidate at Senator Kiko Pangilinan, ngayong Abril 3, 2022.
Pinamagatan niya itong 'LENI-KIKO TANDEM' na makikita sa kaniyang opisyal na Facebook account. Narito ang buong tula:
Mga tingting pag nabigkis
Maaaring ipangwalis.
Ang tunay na tandem hindi umaatras
Kapagka lumaban, laban hanggang wakas;
Magkalindulan man, umulan ng sibat,
Lagìng magkasáma, at di maglalaglag.
Leni-Kiko tandem may higit pang bigkis
Kayâ lalong hindi basta magigipit;
Angat-búhay nilá’y adhikang mahigpit
At nais ilipad dito hanggang langit.
Hindi lámang iyon. Leni-Kiko tandem
Ay tambalang lakas, ating walis tingting;
Kung bagá, ang tapat na laban sa krimen
Dapat ding matatág, malusog, may-taríng.
Kay-daming tungkuling dapat na gampanan
Para matupad nga’ng Pangarap na Bayan;
Kayâ Leni’t Kiko’y kapwa kailangan
Para segurado ang pagtutulungan.
"Kailangan ang maraming tingting para ipangwalis. Dapat kasama ni leni si kiko para seguradong may katulong. Pero dapat pati mga senador, kongresman, gobernador, meyor, hanggang kapitan ng barangay ay mga walis tingting din," saad pa nito sa comment section ng kaniyang ibinahaging FB post.
Samantala, nagpasalamat naman si Sen. Kiko kay Rio Alma dahil sa mga tulang ginawa nito para sa kanila ni VP Leni.
"Muli akong nagpapasalamat sa napapanahon at napakagandang tula mula sa ating National Artist Virgilio Almario na kanyang binasa para sa ating puso't isipan ngayong Araw ni Balagtas," pasasalamat ni Sen. Kiko.