Kabilang si Navotas City Mayor Toby Tiangco sa Top 3 na alkalde na may pinakamataas na approval rating sa buong National Capital Region (NCR) ayon sa RP-Mission and Development Foundation, Inc. (RPMD) kamakailan.
Malaki ang pasasalamat ni Mayor Tiangco sa mga nasasakupang Navotenos na nagbigay sa kanya ng mataas na marka sa nasabing survey. “Napakalaking bagay po sa akin ang inyong pagtanaw at pagkilala sa serbisyong aking buong pusong ginagampanan para po i-angat ang buhay ng bawat Navoteño at lalo pang paunlarin ang ating natatanging lungsod ng Navotas,” ayon sa post ni Mayor Tiangco sa kanyang Facebook page.
Sinundan ito nina Pasig Mayor Vico Sotto na may 77%, Caloocan City Mayor Oca Malapitan na may 75%, Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na may 73%, Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos na may 71%, Makati City Mayor Abby Binay na may 70%, Marikina City Mayor Marcy Teodoro na may 68%, San Juan City Francis Zamora na may 66%, Taguig City Mayor Lino Cayetano na may 64%, Valenzuela Mayor Rex Gatchalian na may 62%, Muntinlupa Mayor Jaime Fresnedi na may 57%, Paranaque Mayor Edwin Olivarez na may 55%, Las Pinas Mayor Imelda Aguilar na may 54%, Pateros Mayor Ike Ponce na may 52% at Malabon Mayor Lenlen Oreta na may 51%.
“Gaya po ng sinumang nagsisikap pagbutihin ang kanyang trabaho, ako rin po’y nabubuhayan ng loob at ginaganahan na makatanggap ng “good job” mula po sa inyo na pinag-aalayan ko ng aking serbisyo.
Muli, maraming maraming salamat po sa inyong pagkilala at tiwala. Makakaasa po kayo na lalo ko pang pag-iigihan ang paglilingkod sa ating lungsod at mga kababayan,” ani Mayor Tiangco.
Ang non-commissioned survey ay isinagawa ng RPMD noong ika 22 hanggang 28 ng Pebrero.