Muling namayagpag ang UniTeam tandem na sina presidential aspirant dating Senador Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., at Davao City Mayor Sara Duterte sa Pulse Asia survey results na inilabas nitong Miyerkules, Abril 6.

Ang survey ay isinagawa ng public opinion polling body sa Pilipinas na Pulse Asia mula Marso 17 hanggang 21.

Kahit na nangunguna si Marcos, bumaba ito ng apat na porsyentong puntos sa 56%, habang ang kanyang kalaban na si Bise Presidente Leni Robredo, ay tumaas ng siyam na porsyentong puntos sa 24%.

Larawan: Pulse Asia website

Pumapangatlo naman si Manila Mayor Isko Moreno na may walong porsyento, sinundan ni Senador Manny Pacquaio na mayroon anim na porsyento at may dalawang porsyento lamang ang nakuha ni Senador Ping Lacson.

Umabot naman sa tatlong porsyento ang nagsabing hindi pa nakakapili ng kanilang iboboto sa darating na eleksyon.

Samantala, sa karera ng pagkabise, tumaas ng tatlong bahagdan si Duterte na mayroong 56%, habang si Senate President Vicente Sotto III ay bumaba ng 4 na puntos na ngayon ay may 20% porsiyento.

Si Sen. Francis Pangilinan ay tumaas ng 4 na puntos na nakakuha ng 15%. May anim na porsyento naman ang nakuha ni Doc Willie Ong, at isang porsyento kay Lito Atienza.

Larawan: Pulse Asia website

Ang poll ay may 2,400 respondents, na may edad 18-anyos pataas at rehistradong botante.