Nagpasaring si Presidential aspirant at Manila Mayor Isko Moreno sa dalawang kampo na aniya’y nagbabangayan lang para protektahan ang kanilang political clans. Dagdag niya, maaari umanong maganap ang kudeta sinuman sa dalawang nabanggit ang manalo sa botohan sa Mayo.
“Napapansin ko painit nang painit yung away ng ‘pula’ at ‘dilaw.’ Personalan na. Bilihan dito, bilihan doon. Sungkitan dito, sungkitan doon. Talagang hindi pa rin nagbago yung away ng ‘pula’ at away ng ‘dilaw,’” sabi ni Isko sa isang ambush interview sa Pagadian City, Zamboanga, Miyerkules, Abril 6.
Hindi man tuwirang binanggit ngunit noong Enero, una nang pinasaringan ng alkalde ang umano’y girian sa pagitan ng kapwa karibal sa Palasyo na sina Vice President Leni Robredo at dating Senador Bongbong Marcos Jr.
“Kaya ako, ang paniniwala ko, hindi ito matitigil kapag isa sa kanila [ang manalo]. Magbabawian pa rin, maghihigantihan pa rin. Para bang sila tumatakbo kasi gusto lang nila talunin yung isa’t isa yung isang political clan sa kabilang political clan. Tungkol lang lagi sa kanila,” dagdag ni Isko.
Kaya naman muli niyang hinikayat ang mga botante na sa halip ay siya ang iboto. Ipinangako rin ng alkalde ang pagpapatuloy sa Build Build Build Program ng Duterte administration. Iginiit din muli nito ang kanyang planong magpatayo ng mas maraming pabahay, ospital at eskwelahan na magbubukas din aniya ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino.
“Kami po, wala kaming kaaway na dilaw. Wala kaming kaaway na pula. I can work with anybody. It’s time to heal, time to move move forward. Wala nang awayan sa politika kasi kapag nagpatuloy yung away, kapag nanalo ang isa, ikukudeta ng isa, aawayin yung isa…di na matitigil. Hirap na hirap na ang tao,” dagdag na saad ni Isko.
Sa pinakahuling suvery ng Pulse Asia na ginawa noong Marso 17-21, nananatiling gitgitan pa rin sa pagitan ni Marcos at Robredo ang laban sa botohan sa Mayo. Pumangatlo naman si Isko na sinundan ni Sen. Manny Pacquiao at Ping Lacson.
Basahin: Marcos-Duterte nangunguna pa rin sa Pulse Asia survey – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid