Nais ng mga miyembro n Makabayan bloc sa Kamara na imbestigahan ng mga kongresista ang ginawang interview kay convicted kidnapper Jovito Palparan, Jr, na isinahimpapawid ng Sonshine Media Network International (SMNI) kamakailan.

Sinabi nina Reps. Eufemia Cullamat, Carlos Zarate at Ferdinand Gaite (Bayan Muna), naghain na sila ng House resolution nitong Lunes na humihiling sa House committee on human rights na silipin ang pagpapaunlak ng panayam ni Palparan na sentensiyado sa kasong pagkidnap at illegal serious detention sa dalawang aktibista at estudyante ng University of the Philippines (UP) noong 2006.

Iginiit ng tatlong kongresista, ang pagpapa-interview ni Palparan ay paglabag sa mga alituntunin sa mga bilanggo sa New Bilibid Prison.

"The SMNI interview with Palparan reveals a clear double standard on the treatment of persons deprived of liberty and presents possible violations of the rules regarding the conduct of interview and other activities of inmates, especially with those convicted of gross human rights violations," pahayag ng mga ito.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Batanes

Si Palparan ay kinapanayam ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Undersecretary Lorraine Badoy na spokesperson din ng National Task To End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Paliwanag naman ni Badoy, ang panayam ay upang "i-vindicate" si Palparan na ang conviction ay ibinatay lang umano sa "gawa-gawang kaso."

Dahil sa insidente, pumalag ang mga magulang nina Cadapan at Empeño at sinabing "isa lamang itong desperadong pagsisikap upang maipagtanggol ang isang kriminal."

Nauna nang inihayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra na wala silang natanggap na request, gayundin ang hukuman na humatol kay Palparan, upang maisagawa ang nasabig interview.

Matatandaang hinatulan ng Malolos Regional Trial Court si Palparan noong Setyembre 17, 2018 at inatasang makulong ng 40 taon kaugnay ng naturang kaso.

Bukod kay Palparan, hinatulan ding makulong ang dalawang kasamahan nito na sina Lt. Col. Felipe Anotado at S/Sgt Edgardo Osorio.