Umaasa si Commission on Elections (Comelec) Commissioner George Erwin Garcia na mas marami pang kaso ang maisasampa kaugnay ng mga paglabag sa halalan at hindi lamang mananatili sa social media ang mga reklamo upang pormal na matugunan ito.
Ito ang kanyang pahayag sa isang press briefing nitong Miyerkules, Abril 6, pagkatapos ng pagsasampa ng dalawang kaso ng vote-buying sa Komisyon kamakailan.
“Nagpapasalamat tayo dahil may mga nagfifile na ng mga kaso. At least nagfifile ng mga kaso, may mga nakaattach na mga ebidensya. Makikita natin yung ebidensiya, masasagot yung mga ebidensiya and therefore nabibigyan ng due process kahit yung respondent,” ani Garcia.
“Sana nga, despite the fact na respondent sila we afford the respondent or respondents in the future, yung opportunity to be heard, yung due process and the presumption of innocence,” dagdag niya.
Noong Martes, Abril 5, nagsampa ng joint complaint-affidavit ang Koalisyong Novalenyo Kontra Korapsyon at Alyansa ng mga Mamamayan ng Bagbag laban sa 17 respondents sa pangunguna ni Rose Nono Lin na naghahangad para sa isang congressional seat sa ika-5 distrito ng Quezon City para sa 237 na bilang ng vote-buying.
Kinukumpirma pa rin ni Garcia ang mga detalye hinggil sa nabigong iba pang kaso vote-buying. Ipinaliwanag niya na abf mga kasong ito ay sasailalim sa parehong proseso ng preliminary investigation.
“Immediately the law department will be issuing the subpoena requiring the respondent to file the necessary counter-affidavit during a particular period of time,” aniya.
Idinagdag niya na pagkatapos na maihain ang counter-affidavit, ang nagrereklamo ay maaaring maghain ng rejoinder at kung saan sunod na ituturing ang kaso na isinumite para sa resolusyon.
Nilinaw ni Garcia na election offense lamang ang isinampa at hindi disqualification case.
Bumuo na ang Comelec ng task force na tinatawag na “Kontra Bigay” na pinamumunuan ni Commissioner Aimee Ferolino na tututok sa vote buying and selling.
Ito ay bubuuin ng Comelec, Department of Justice (DOJ), Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), Philippine Information Agency (PIA), Department of Interior and Local Government (DILG), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Pambansang Pulisya (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Dhel Nazario