Dahil sa pangamba sa posibleng paglobo ng Covid-19 dahil sa ilang tradisyon sa Holy Week, sinabihan ng Department of Health (DOH) ang publiko na iwasang humalik sa mga rebulto ng mga santo dahil ang kinatatakutang sakit ay maaaring maipasa sa pamamagitan ng droplet infection.
Dahil dito, hiniling ni DOH Spokesperson Maria Rosario S. Vergeire sa mga simbahan na ipagbawal ang mga ganitong gawain na maaaring maging banta sa buhay ng publiko.
“Sana po itong practice na ito ay maiwasan para hindi na po tayo magkaroon ng pagtaas ng kaso dahil sa practice na ito,” aniya.
Habang kinikilala ng ahensya ang kalayaan ng publiko na isagawa ang kanilang religious belifes, sinabi ni Vegeire na may iba pang paraan para maipahayag nila ang kanilang mga debosyon.
“Covid-19 can be transmitted through droplet infection that may be passed by kissing a religious statue. The virus may enter your nose and mouth by doing such,” ani Vergeire nitong Martes, Abril 5.
Habang ginagawa ng ilang Pilipino ang pagpapako sa krus tuwing Semana Santa, binalaan ng Health department ang publiko sa mga panganib na kaakibat ng naturang debosyon.
Sinabi ni Vergeire na maaaring magkaroon ng tetanus infection at mawalan ng dugo ang mga taong nagsasagawa ng mga ito dahil sa mga wire nails na gagamitin para sa pagpapako sa krus.
“We can worship God in other ways and not inflict harm to ourselves,” ipinunto niya.
Ang Semana Santa ay ipagdaraos mula Abril 10 hanggang 16.
Jel Santos