Naitala ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) nitong Lunes, Abril 4, ang pinakamataas na bilang ng mga commuters na sumakay ng tren simula nang magbalik-operasyon ito noong nakaraang taon.
Umabot sa kabuuang 315,283 na pasahero ang naserbisyohan nito.
Ayon sa pamunuan ng MRT-3, resulta ito ng pagpapatupad ng libreng sakay sa MRT-3 mula noong Marso 28, 2022 at pagpapatakbo ng 18 3-car CKD train set at dalawang 4-car CKD train set sa mainline.
Pinataas din nila ang passenger capacity ng bawat tren na kayang makapagpasakay ng 1,576 na pasahero kada train set at 394 na pasahero kada train car.
Dagdag pa ng MRT-3, bago magsimula ang pandemya umaabot lamang sa 250,000 hanggang 300,000 na mga pasaherong sumasakay sa tren.
Samantala, magpapatuloy ang libreng sakay hanggang Abril 30, 2022 habang mahigpit pa ring ipinatutupad ang minimum public health and safety protocols sa buong linya.