"Kapag may gusto po talaga akong ma-aim para sa sarili ko, pinaghahandaan ko po nang maigi," ani Narciso.

Para kay Bert Justine Narciso, 20, mula sa Pidouran, Albay, sinasamahan ng disiplina at determinasyon ang pangarap upang maabot ito.

Kamakailan lamang, naabot niya ang kanyang personal na pangarap na malangoy ang 12 kilometrong distansya mula sa Sorsogon patungong Albay sa loob lamang ng halos apat na oras, at ito ang kanyang "dream with a deadline."

Matagal nang atleta si Narciso. Walong taon na siyang qualifier sa Palarong Bicol at isang beses na rin siyang nakapasok sa Palarong Pambansa bilang qualifier rin, na siya namang ginanap sa Tagum City, Davao taong 2015.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Noong Marso 5, tagumpay na naabot ni Narciso ang kanyang "dream with a dealine," ang kanyang personal pangarap na kung saan ay lumangoy siya sa loob ng higit tatlo't kalahating oras mula Sta. Cruz, Donsol, Sorsogon pabalik sa kanilang lugar sa Marigondon, Pio Duran, Albay, na umabot ng halos 12 kilometro.

Larawan: Bert Justine Bausing Narciso/FB

Ngunit hindi naging madali ito para kay Narciso dahil ilang buwan din niyang pinag-planuhan ang kanyang maituturing na personal "Best Swim History."

Bukod sa personal na intensyon, parte rin ang kanyang paglangoy bilang ensayo para sa mas malaking pangarap sa darating na Talisay Triathlon 2022 na gaganapin sa Daet, Camarines Norte.

Larawan: Bert Justine Bausing Narciso/FB

Aniya, ang pinaka-nagtulak sa kanya na gawin ang kanyang Best Swim History ay mismong kanyang sariling "goal."

"Kapag may gusto po talaga akong ma-aim para sa sarili ko, pinaghahandaan ko po nang maigi. Nandun 'yong disiplina, determinasyon — before, during, and after po nung challenge ko na yun," ani Narciso.

Sa ngayon, puspusan ang pagsasanay ni Narciso upang makasungkit ng medalya para sa parating na kompetisyon.

Hindi lamang sa paglangoy naipapamalas ni Narciso ang kanyang husay kundi pati rin sa paaralan, bukod kasi sa pagiging atleta ay kasalukuyan siyang scholar sa University of Nueva Caceres.

Umaasa rin siya na makaka-inspire siya ng kapwa niya, lalo't higit ng mga estudyante na ipamalas ang galing na mayroon sila.

Kaya naman may mensahe si Narciso lalo na sa mga kabataang tulad niya na nangangarap rin.

"'Wag matakot i-show sa mundo kung ano mang talent/skills [ang] mayroon sila sapagkat darating ang araw na isa ito sa mga tutulong po sa kanila para maging successful sa buhay. Samahan ng tatag ng loob, disiplina, determinasyon, and 'yong mindset na lahat ng bagay makakaya natin sa tulong ng Lord. Focus lang po," ani Narciso.