TABUK CITY, Kalinga - Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isang estudyante matapos itong arestuhin dahil sa pagbibiyahe ng ilegal na droga mula Kalinga patungong Baguio City.
Sinabi ni BGen. Ronald Oliver Lee, regional director ng Police Regional Office-Cordillera, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Tabuk City Police Office at Regional Drug Enforcement Unit na may lalaking magbibiyahe ng marijuana noong Abril 3.
Aniya, agad na tumungo ang mga operatiba sa lugar upang suriin ang katotohanan ng impormasyon na lumabas na positibo at nagresulta sa pagkakaaresto kay Christian Kyle A Tercero, 23, residente ng Upper Pinget, Baguio City.
Narekober ng mga pulis ang 4 na piraso ng tuyong marijuana brick na tumitimbang ng 4,000 gramo na may standard drug price (SDP) na P480,000.00 at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na 0.2 gramo na may SDP na P1,360.00.
Sa imbestigasyon, boluntaryong inamin ni Tercero na bukod sa mga narekober na drug items, may itinago pa siyang 3 piraso ng tuyong marijuana brick na may timbang na 3,000 gramo na nagkakahalaga ng P360,000.00 sa Purok 5, Bulanao, Tabuk City, Kalinga na nauna niyang binili.
Isinagawa ang imbentaryo ng mga ebidensya sa presensya ng naarestong suspek at sinaksihan ng kinatawan ng DOJ na sina Lailanie S. Balao-ing; kinatawan ng media at Barangay Kagawad Abraham Licaycay ng Bulanao Centro, Tabuk City.