Umapela ang Department of Health (DOH) sa Simbahang Katolika at sa publiko na iwasan muna ang pagpapahalik sa mga relihiyosong imahe ngayong panahon ng Semana Santa, gayundin ang pagpapapako sa krus, upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng COVID-19 at iba pang karamdaman.

Sa isang media forum nitong Martes, pinaalalahanan ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang publiko na ang COVID-19 ay maaaring ihawa sa pamamagitan ng droplets kaya’t dapat munang iwasan ang pagpapatupad ng mga ganitong aktibidad para maiwasan ang muling pagtaas ng mga bagong kaso ng impeksiyon.

Ayon kay Vergeire, may iba pa namang mga pamamaraan upang maipakita ang debosyon ngayong Mahal na Araw.

“We just advise, and we request our churches kung maaari lang po sana itong practice na ito ay hindi na muna natin ipatupad,” aniya.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Meron naman po tayong ibang bagay o ways kung paano po tayo makakapag-show ng ating devotion sa ating mga santo sa atin pong mga pinupuntahang mga simbahan,” dagdag pa niya.

Kaugnay nito, sinabi rin niya na hindi inirerekomenda ng DOH ang nakaugalian ng ilang deboto na magpapako sa krus.

“Pangalawa, ‘yung pagpapako sa krus. Of course, the Department of Health is not recommending this at all,” aniya pa.

Babala ni Vergeire, maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan gaya ng tetano, kung ang mananampalataya ay magpapapako sa krus.

“Ito po ay nakaka-cause ng harm sa isang tao. Kapag nagpapapako po tayo sa krus, unang-una, tetano ang katapat natin dahil sa mga pako na ‘yan,” aniya pa.

Ang Mahal na Araw sa bansa ay nakatakda nang gunitain ng mga Katoliko sa susunod na linggo.