Sugatan ang isang abogado na nakatalaga sa Bureau of Customs (BOC) matapos pagbabarilin umano ng dalawang suspek na magkaangkas sa motorsiklo sa kalsada sa Pasay City noong Lunes, Abril 4.

Agad na dinala sa Manila Doctors Hospital ang biktima na kinilalang si Attorney Joseph Samuel Zapata y Vasquez, 30, may asawa, legal ng BOC, at residente sa San Isidro, Paranaque City, sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo.

Sa ulat ni Pasay City Police Chief, Col. Cesar Paday-os, naganap ang pananambang sa biktima sa Macapagal Boulevard Southbound, malapit sa Met Live, Barangay 76, dakong 5:40 ng hapon nitong Lunes.

Sa inisyal na imbestigasyon, minamaneho ng biktima ang kanyang puting Toyota Fortuner, na may plakang NBP 7726, patungong southbound Macapagal Blvd. nang biglang sumulpot ang motorcycle-riding suspects at binaril ang kaliwang bahagi ng sasakyan kaya tinamaan sa likurang bahagi ng ulo ang abogado.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Mabilis na tumakas ang mga suspek patungong Manila area habang agad namang isinugod ang sugatang biktima sa pagamutan upang malapatan ng lunas.

Batay pa sa report, aksidenteng nabangga ng sasakyan ni Atty. Zapata matapos siyang barilin ng mga suspek, ang isang Kia car (NBT 2523) na minamaneho ng isang Windy Lane B. Ochoco, ng Central Bicutan, Taguig City, na nagresulta ng pagkakasira ng kotse nito.

Nangangalap pa ng karagdagang impormasyon ang mga imbestigador sa pinangyarihan ng insidente para sa posibleng pagtukoy sa mga suspek at sa ginamit nilang motorsiklo.

Patuloy pang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek at masusing sinisiyasat ang motibo sa tangkang pagpatay sa biktima.