Nanawagan si Manila mayoralty candidate at Vice Mayor Honey Lacuna nitong Lunes sa publiko na respetuhin ang mga lesbian, gay, bisexual, transgender and queer (LGBTQ+) community.

Ang mensahe ay ginawa ni Lacuna, matapos niyang pangunahan ang first leg ng selebrasyon ng “Manila Summer Pride” sa pamamagitan ng float parade competition para sa LGBTQ+ community sa lungsod noong Linggo.

“Dito sa Maynila, mayroon tayong City Ordinance 8695 na tahasang nagbibigay ng proteksyon at kalinga sa nasabing sektor. Kumikilala sa kanilang mga talento, kakayahan at kagalingan bilang mahalagang bahagi ng lipunan,” ayon pa sa bise alkalde, na sinamahan din ni vice mayoral candidate at Cong. Yul Servo.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Lacuna na ang lungsod sa pagtitipon ng Mayor Isko Moreno-Lacuna tandem, ay naniniwala na ang lahat ay pantay-pantay sa karapatan at oportunidad kahit ano pa ang kasarian nito o anumang kasarian ang piliin.

National

VP Sara sa mababang boto ng Alyansa senatorial bets: ‘It's because of the President!’

“Walang dibisyon, iisa ang direksyon. Maraming salamat po sa ating punong lungsod Francisco 'Isko Moreno' Domagoso at sa Department of Tourism, Culture and Arts of Manila, na pinamumunuan ni Charlie Duñgo, na nanguna sa pagdiriwang na ito, sa pakikipagtulungan ng Bekshie ng Maynila,” ani Lacuna.

Binanggit din ni Lacuna ang partisipasyon nina Servo, Liga ng mga Barangay President Lei Lacuna at principal author ng nasabing ordinansa at CouncilorJTV Villanueva nasiyang dahilan kung bakit naging matagumpay ang pagtitipon.

“Naniniwala ako bilang isang Ina na kahit sino ka pa, kahit ano ka pa, may puwang ka sa mundo, may silbi ka sa mundo. Basta’t ang pananaw natin sa buhay ay wala tayong tinatapakan, wala tayong pinagsasamantalahan, may paggalang tayo sa karapatan ng bawat isa at may pananagutan tayo sa malayang pamumuhay,” ayon pa kay Lacuna.

Binigyang-diin pa ni Lacuna na ang pagkakapantay-pantay ay hindi sa kung paano natin tingnan ang magkakaibang bagay sa parehong paraan.

Ito aniya ay kung paano tatanggapin ang bagay na ito sa iba't-ibang paraan.

“Respeto lang!” aniya pa.

Ibinahagi rin naman ng bise alkalde na sa ngayon ay maraming mahahalagang posisyon sa lokal na pamahalaan ang hinahawakan ng mga miyembro ng LGBTQ+ at episyente nilang nagagampanan ang tungkulin.