Patay ang isang bagitong pulis habang sugatan naman ang dalawang pulis at tatlong sundalo nang bombahin ng pinaghihinalaang grupo ng New People's Army (NPA) ang kanilang sinasakyan sa Las Navas, Northern Samar nitong Lunes ng umaga.
Dead on the spot si Patrolman Harvie Cortez, 30, nakatalaga sa 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) , at taga-San Isidro, Northern Samar.
Kinilala rin ng militar ang dalawang pulis na nasugatan na sina Patrolman Rico Borja, 31, at Patrolman Leandro Luciano Bulosan, 25, pawang nakatalaga sa 1st Northern Samar PMFC na naka-base Catarman, Brgy. Osang, Catubig, Northern Samar.
Sugatan din ang tatlong sundalo na sina Corporal Arvin Papong, Private 1st Class Whilydel Jic Rodona, at Private 1st Class Wilmer Del Monte, pawang miyembro ng 20th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army.
Naiulat na nagpapatrulya ang mga pulis at sundalo sa bisinidad ng Brgy. San Miguel sa Las Navas, sakay ng government vehicle nang pasabugan sila ng mprovised explosive devices (IEDs).
Kaagad na isinugod sa Catarman Doctors Hospital ang mga nasugatan.
May teorya ang mga awtoridad na grupo ng NPA ang nasa likod ng pananambang.
Nagsasagawa pa rin ng hot pursuit operations ang mga awtoridad laban sa mga rebelde.
Marie Tonette Marticio