Umabot na sa mahigit 1.9 milyong pasahero ang napagsilbihan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa unang linggo pa lamang ng kanilang Libreng Sakay Program na sinimulan noong Marso 28, 2022.

Ayon sa MRT-3, naitala nila ang kanilang highest ridership simula nang mag-umpisa ang pandemya noong Biyernes, Abril 1, na umabot sa kabuuang 309,225 pasahero.

Ito anila ay 19.4% na pagtaas mula sa pre-Libreng Sakay highest ridership na nasa 258,989 lamang, at naitala noong Marso 25, 2022.

Bago ang pandemya, nakakapagtala ang MRT-3 ng average na 250,000 hanggang 300,000 daily ridership.

Politics

Counterpart ni Barzaga? Sen. Imee, bet mag-apply na 'meow-meow' ng Senado—Sen. Ping

Ayon kay MRT-3 OIC-General Manager at Director for Operations Michael J. Capati, inaasahan na ng MRT-3 Management ang pagtaas ng ridership ngayong lumuwag na ang alert level status sa Metro Manila kaya’t pinaghandaan na nila ito sa pamamagitan nang pagkomisyon para sa dynamic testing ng kanilang Dalian at 4-car CKD trains.

“Naging proactive po tayo sa pagte-test ng ating mga tren sa 4-car configuration, ganun din sa ating Dalian trains, in anticipation of the return to normal scenario. Ngayon, naging posible po ang sabay-sabay kaya na natin magpatakbo ng up to 22 train sets during peak hours, kasama na ang dalawa nating 4-car CKD train sets at isang Dalian train set dahil sa tagumpay na rehabilitasyon ng MRT-3, at ng patuloy na maayos na pagmimintina ng ating upgraded subsystems, kasama ang tracks, signaling, power, rolling stock, at mga pasilidad po natin,” ayon kay Capati.

Nabatid na idineploy ng MRT-3 ang kanilang kauna-unahang 4-car CKD train sa unang araw ng implementasyon ng libreng sakay.

Bukod dito, nag-deploy rin sila ng Dalian train set upang mas marami pa silang pasaherong mapagsilbihan.

Ang bawat train car ng CKD at Dalian trains ay kayang magsakay ng hanggang 394 pasahero.

Ang CKD o Dalian train set na may 3-car configuration na kayang maglulan ng hanggang 1,182 pasahero, habang ang CKD at Dalian train set na may 4-car configuration ay kayang magsakay ng hanggang 1,576 pasahero.

Matatandaang una nang ipinag-utos nina Pang. Rodrigo Duterte at Transportation Secretary Arthur Tugade na pagkalooban ng MRT-3 ng libreng sakay ang kanilang mga pasahero sa loob ng isang buwan bilang pagdiriwang sa pagtatapos ng isinagawang massive rehabilitation sa MRT-3, sa gitna na rin ng financial burden na dinaranas ng mga mamamayan dahil sa pagtaas ng presyo ng krudo at mga bilihin sa bansa.

Maaaring i-avail ng mga pasahero ang libreng sakay mula 4:40 AM hanggang 10:10 PM hanggang sa Abril 30.

Ang MRT-3 ay bumabaybay sa EDSA mula Taft Avenue, Pasay City hanggang North Avenue, Quezon City at pabalik.