Tinawagan ni Kapuso star Bea Alonzo ang dating co-star sa ABS-CBN na si Ultimate Heartthrob Piolo Pascual upang uriratin ito kung totoo ba ang chikang nakarating umano sa kaniya na sumama ang loob nito nang umober da bakod siya sa GMA Network noong Hulyo 2021.
Homegrown talent ng Kapamilya Network si Bea sa loob ng 20 taon. Ganoon din naman si Papa Pi, na una niyang nakapareha sa pelikulang 'Dreamboy' noong 2005, kabakbakan pa nga ang 'Let The Love Begin' nina Richard Gutierrez at Angel Locsin sa GMA naman.
"Pi, kakausapin sana kita, eh. Ang weird lang… Di ba ok tayo?" tanong ni Bea kay Piolo nang tawagan niya ito sa cellphone. Litanya pa ni Bea, may 'source' daw siya na nagsabi sa kaniya na may sama raw ng loob ang aktor sa kaniya nang lumipat nga siya sa mahigpit na karibal ng Kapamilya Network.
"May nakausap kasi ako. Gusto ko tanungin ka nang diretso. Parang nag-air ka ata ng sama ng loob tungkol sa paglipat ko sa taong kausap ko. Siyempre di ko na sasabihin kung sino. Parang, may nasabi ka na you didn't like that I went to GMA. Things na parang medyo hurtful for me. Kasi magkausap pa tayo the last time. Magka-Viber tayo. Gusto ko lang tanungin kung totoo kung may sama ka ng loob sa akin?" tanong ni Bea.
Matapos magsalita ni Bea, isang mariing 'Hindi' naman ang pinakawalan ni Piolo. Wala raw siya sa posisyon para kuwestyunin ang mga desisyon ni Bea. Gusto tuloy kausapin ni Piolo kung sinuman ang source ng aktres at nang makompronta ito.
"Sa totoo lang, sorry ha, kung sino man source mo, sabihin mo kausapin ako kasi bakit naman ganoon? Bakit naman sasama loob ko sa 'yo? That's your choice. Di ko alam kung saan nanggagaling 'yan, Bea. Pero sorry, yung mga nasabi mo, I don't think… Bakit naman sasama loob ko sa 'yo?" sey ni Piolo.
"Pero wala ka namang ibang kinasasama ng loob sa akin at all?" untag pa ng award-winning actress.
"Uy, ano ka ba? My gosh! Weird! Oh gosh," sagot ni Piolo. Pero inamin nito na nalungkot siya sa paglipat ng kaibigan.
"Nalungkot ako noong lumipat ka, pero hindi masama loob ko. Parang that's your decision, 'di ba? Kung sino man umalis, kung sino man lumipat, siyempre you'll feel bad about it. Pero you don't even have the right to say na masama loob mo."
Sa puntong ito ay hindi na nakapagpigil pa si Bea, at ibinuking kay Papa Pi na ito ay 'izza prank' lang.
"Adik ka. 'Yun na 'yun?!" sey ni Piolo.
"Nakakainis ka! Wala man lang ako makuha sa 'yo. Parang mas kinabahan pa ako kaysa sa 'yo," natatawang sabi ni Bea.
Mapapanood ang prank call ni Bea kay Piolo sa YouTube channel nito na umere noong Abril 2, 2022. Ginawa niya ang prank noong Abril 1, na 'April Fool's Day'.