Arestado ang apat na lalaki dahil sa pagnanakaw ng aabot sa P300,000 halaga ng construction materials sa isang construction site sa Antipolo Street, corner Piymargal, Brgy. 507 sa Sampaloc, Maynila noong Linggo, Abril 3.
Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Richard Sabandal, 21; John Noel Opulencia, 26; Kyle Tambis, 21; at Michael Sampol, 39, pawang residente ng Maynila.
Batay sa ulat ni Police Lt. Cl. Gene Licud, Peter Dancalan, security guard ng construction site, nahuli ang mga suspek na nagnanakaw ng construction materials habang isinasakay ito sa isang L300 van dakong alas-3:00 ng madaling araw.
Agad namang nahawakan ni Dancalan si Sabandal habang ang iba pang mga suspek ay sumakay sa van at nakatakas.
Iniulat niya ang insidente sa España Police Community Precinct (PCP).
Pinangunahan ni Police Lt. Ronald Calixto, commander ng España PCP, ang joint follow-up operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Samantala, narekober naman ng pulisya ang mga ninakaw na construction materials.
Sasampahan ng kasong theft, malicious mischief, at paglabag sa Anti-Fencing Law ang apat, habang pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang driver ng L300 van.
Terence Ranis