Kahit na nagdeklara na ang Truefaith ng pagsuporta sa kandidatura ni Presidential aspirant at Vice President Leni Robredo ay apat na beses pa rin umanong kinontak ang banda ng kampo ng UniTeam.

Hindi naniniwala ang Truefaith member na si Medwin Marfil sa pagkambyo kamakailan ng komedyante na si Eric Nicolas kung saan nilinaw nitong nagtatrabaho siya nang walang bayad para sa UniTeam tandem.

Ito’y matapos mapag-usapan ang makahulugang social media post ng komedyante kamakailan kung saan tila inamin nitong “trabaho” lang ang pakay niya sa pagsalang sa kampanya nina Presidential candidate Bongbong Marcos (BBM) at Vice Presidential hopeful at Davao City Mayor Inday Sara Duterte.

Basahin: Eric Nicolas, raket lang daw pangangampanya sa UniTeam? ‘Kahit si Hudas iboboto ko…’ – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

“Walang masamang tinapay para sa akin… trabaho po para mapakain ang pamilya ko. Minsan lang ‘to at ‘di na ako bumabata. Mabuhay ang lahat,” mababasa sa ngayo’y burado nang Facebook post ni Eric.

https://twitter.com/MedwinTruefaith/status/1510548210728992769

Paglilinaw naman nito kalaunan, siya ay kabilang sa BBM-Sara UniTeam at taliwas sa ideyang “nabayaran” ay sumusuporta at nagtatrabaho” umano siya “nang walang bayad” para sa tandem.

Hindi naman bumenta sa miyembro ng Truefaith ang pagkambyong ito ng komedyante.

Pagbubulgar ni Medwin Marfil, sa kabila ng kanilang pagdedeklara bilang Kakampink o tagasuporta ni Robredo, hindi pa rin umano sila tinantanan ng kampo ni BBM na hinikayat silang tumugtog sa campaign rally nito.

“Not believable,” saad ni Medwin sa reposted tweet ng quote card ni Eric.

"Kahit na nag-declare na kami na #KakamPink ang #Truefaith we’re still being offered to play sa for Baby M,” dagdag ni Medwin.

“When we were in Borongan, our manager got a call asking if we’d play for Unitik-tik. Pang 4 na ata na offer yun. We refused, of course,” dagdag na pagbubulgar ng miyembro ng banda.

Giit ni Medwin sa pagtanggi ni Eric sa akusasyon “may bayad” ang mga personalidad sa kampanya ng Uniteam: “May bayad powh.”