Isang lalaking Filipino-Taiwanese ang patay habang apat na iba pa ang sugatan sa isang sunog na sumiklab sa isang residential area sa Sta. Cruz, Manila nitong Linggo ng umaga, na sinasabing nag-ugat sa umano’y ‘panununog’ ng isang lalaking may diperensiya umano sa pag-iisip.

Ang nasawing biktima ay nakilalang si Rogelio Esteron, isang Filipino-Taiwanese, 55, company driver sa Makati, na tatlong buwan pa lang na nangungupahan sa lugar.Siya ay kinilala mismo ng kanyang land lady na si Jerica Morit.

Dalawa naman sa apat na nasugatan sa sunog ay nakilalang sina Rosalina Perez at Leonardo Pavilar.

Samantala, hawak na ng mga otoridad ang isang Leonardo Reboses, na sinasabing may diperensiya sa pag-iisip, at siya umanong nagsimula ng apoy na nagresulta sa sunog.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Batay sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-7:00 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa isang lumang three-storey apartment na gawa sa mga light materials, at matatagpuan sa 1789 New Antipolo St., kanto ng Leonor St., sa Sta Cruz, Manila.Ang tahanan ay inuokupa umano ng pamilya ng isang Leonardo Familiar.

Mabilis na kumalat ang sunog sa mga katabing tahanan, kabilang ang silid na tinutuluyan ni Esteron, at nadamay pa ang isang lamay doon.

Sa kuwento ni Morit sa pulisya, kakauwi pa lamang ng biktima galing sa trabaho at paakyat na sana ng kanyang kuwarto, nang harangin ng ilang lumilikas na residente dahil sa nagaganap na sunog sa apartment.

Gayunman, sa halip na bumaba at lumikas na rin, bigla pa rin anilang ang pumasok biktima sa kanyang kuwarto sa pagtatangkang magligtas ng ilang mahahalagang gamit, ngunit minalas na hindi na ito nakalabas pa hanggang sa matagpuan na lamang ng mga bumbero ang sunog na bangkay nito na nakadapa sa loob ng kanyang kuwarto.

Naideklarang under control ang sunog dakong alas-9:22 ng umaga at umabot pa ng ikalawang alarma bago tuluyang naapula dakong alas-11:04 ng umaga.

Sa pagtaya ng mga otoridad, aabot sa 180 pamilya ang naapektuhan ng sunog matapos na matupok ang may 30 istruktura sa lugar.

Sila ay kasalukuyang nananatili muna sa barangay center habang ang iba ay nagtungo sa tahanan ng kanilang mga kaanak.

Tinataya namang aabot sa P100,000 ang halaga ng mga ari-ariang natupok sa sunog.

Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng mga otoridad si Reboses upang matukoy kung paano nagsimula ang sunog.