Pinaaaksyunan na ni Senator Aquilino "Koko" Pimentel III sa Senado ang usapin sa pagkabigo ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na masingil ang ₱203 bilyong estate tax ng pamilya ni presidential candidate Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.

Sa isang resolusyon, ikinatwiran ni Pimentel na agaran na ang kahilingang aksyon ng Senado upang masilip ang dahilan ng pagkabigo ng pamahalaan na makolekta ang tinukoy na buwis.

Maaaring gamitin aniya ang nasabing buwis sa isinusulong na monthly subsidy ng pamahalaan para sa mga sektor na apektado ng patuloy na pagtaas ng produktong petrolyo.

"There is no clear funding source for these proposed subsidies and it is immediately obvious that the government would be hard-pressed to source the much-needed funds in order to support these social alleviation measures," paglilinaw ng senador.

Nauna nang hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng₱500 buwanang subsidiya ang mahihirap na pamilya sa loob ng isang taon.

"The payment of the estate tax liability amounting to more or less₱203.819 billion on the part of the heirs of Ferdinand E. Marcos in favor of the government... would be more than enough to fund these proposed subsidies," giit ni Pimentel.

Kamakailan, iginiit ng tagapagsalita ni Marcos, Jr. na si Vic Rodriguez na nakabinbin pa ang kaso sa hukuman.

Salungat naman ito sa isang ruling ng Korte Suprema na nagsasabing "final and executory" na ang kaso na nag-uutos na bayaran ng pamilya ang naturang buwis.

Matatandaang nagbabala na rin si retired Supreme Court Senior Associate justice Antonio Carpio na hindi na masisingil ng gobyerno ang buwis kung manalo si Marcos sa pagka-pangulo sa May 9 National elections.