Parehong number one sa senatorial survey ng Pulse Asia nitong Pebrero at Marso ang TV personality na si Raffy Tulfo.
Namayagpag sa survey ang tinaguriang “Idol Raffy” sa nakalipas na dalawang buwan. Kasunod ng mataas na tsantsa nitong maging senador pagkatapos ng botohan sa Mayo, ang tanong ng masugid na subscribers ngayon ng personalidad – magbabalik pa kaya ang Raffy Tulfo in Action?
Sa panayam ng The Source ng CNN Philippines nitong Biyernes, Abril 1, siguradong sagot ni Tulfo ang pagpapatuloy ng kanyang mga programa sa telebisyon at radyo kasunod ng eleksyon sa Mayo.
“In fact, lalo kung palalakasin ang aking YouTube channel that will serve as a channel na yung mga tao na nagsusumbong, tuloy-tuloy pa rin ang pagsusumbong nila at makikita nila yung mga ginagawa ko Senado,” saad ni Tulfo.
Kasalukuyang umiiral ang ban ng Commission on Elections (Comelec) laban sa ilang aktibidad ng mga kandidato kabilang na ang pagbibigay ng tulong, lalo pa kung pribadong indibidwal ang naghahangad ng pampublikong opisina. Dahil dito, pansamantalang itinigil ang pag-ere ng sikat na programa ni Tulfo na “Raffy Tulfo in Action
“I’ll be very transparent, ‘Hey this is what I’m doing in the Senate. Ito yung mga ginagawa ko, ito yung trabaho ko,’ so they can see it. At the same time, ‘yun din yung magiging way nila na para sila ay magbigay ng komento tungkol sa mga ginagawa kong trabaho, sa gobyerno,” ani Tulfo na nasa 23 milyon ang subscribers sa YouTube at 18 milyon ang followers sa Facebook.
Magiging bukas din umano ang senatorial aspirant sa mga suhestyon ng kanyang mga tagasubaybay sa pamamagitan ng kanyang kilalang programa.
“Kung ‘di man maganda [ang aking ginagawa], they’ll tell me and then I’ll tell my colleagues and tell the people,” saad ni Tulfo.
Samantala, hindi naman nababahala si Tulfo na hindi niya matapatan ang nakikita expectation sa kanya ng kanyang mga tagasuporta sa oras na maging isang lingkod-bayan.
Layon rin ni Tulfo na paigtingin pa ang kanyang pagtulong sa mga mahihirap, lalo na sa mga manggagawa na biktima ng pang-aabuso.