Inanunsyo ng Quiapo Church nitong Biyernes na pinapayagan na muli ang tradisyunal na 'pahalik' o paghipo sa Itim na Nazareno matapos suspendihin ito dalawang taon na ang nakararaan dahil sa pandemya ng coronavirus disease 2019.
Gayunman, inihayag ng parochial vicar ng simbahan na si Fr. Douglas Badong, patuloy pa ring ipaiiral ang minimum public health protocols upang maiwasan ang hawaan.
“Devotees may once again touch the image of the Black Nazarene located above the main altar of the Quiapo Church,” ito ang bahagi ng anunsyo ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP).
“We appeal to our devotees to queue properly and observe the safety protocols,” sabi pa ng CBCP, ayon pa kay Badong.
Noong Marso 2020, ipinasya ng simbahan na suspendihin muna ang "pahalik," isang palatandaan ng paggalang sa mapaghimalang imahen bunsod na rin ng pandemya.