Hinimok ng Commission on Elections (Comelec) ang mga indibidwal na nakasaksi ng mga aktibidad sa pagbili ng boto na humarap at magsampa ng reklamo laban sa mga kandidatong nakikibahagi sa ilegal na gawain.

Sa panayam ng ANC, sinabi ni Comelec Spokesperson James B. Jimenez na kailangang patunayan na ang pera na ipinamimigay sa mga tao ay pambili ng kanilang boto.

“One of the things that we also have been saying is that if anyone has personal knowledge of these events, they should come forward and file a complaint,” ani Jimenez.

Dagdag niya, “We can say that it is obvious but we have to prove it. Kung mag-i-impose ka ng penalty you have to be able to show that there was a criminal element present talaga. Hindi ka puwedeng mag-jump into conclusions.”

Tungkol sa umano'y hindi pagkilos ng Comelec sa mga viral video ng mga taong nag-aabot ng pera sa sorties, sinabi ni Jimenez na nag-tap na sila ng mga lokal na awtoridad upang imbestigahan ang mga naturang insidente.

“We have already referred the matter to local officials for investigation to find out kung ano ba talaga ang nangyari, ano ‘yung karakter ng pagbibigay ng pera. Again, nakita natin that money was being given out but we have to know what for,” aniya.

Ang vote-buying ay tinukoy bilang sinumang tao, na nagbibigay, nag-aalok, o nangangako ng pera o anumang bagay na may halaga, direkta o hindi direkta, upang himukin ang sinuman o ang publiko, sa pangkalahatan, na bumoto o laban sa sinumang kandidato.

Ito ay isang election offense, na may parusang isa hanggang anim na taong pagkakakulong, pagtanggal ng karapatang bumoto, at disqualification na humawak ng pampublikong tungkulin.

Dahil sa kamakailang mga video ng di-umano'y mga aktibidad sa pagbili ng boto sa sorties, ang poll body kamakailan ay bumuo ng isang task force laban sa vote-buying.

Jel Santos