May payo para sa mga botante sa darating na lokal at nasyonal na eleksyon ang lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, intersex, at asexual o (LGBTQIA+) for Leni, isang nagkakaisang komunidad ng mga nakatuong boluntaryo mula sa sektor ng LGBTQIA+ na nakikibahagi sa panawagan ni Bise Presidente Leni Robredo.
Sa bagong video na inilabas nito nitong Marso 30, pinangunahan ng impersonator na si Kaladkaren Davila ang pagbibigay paalala sa matalinong pagboto sa darating na halalan.
PANUORIN ANG KABUUANG VIDEO: Kaladkaren LIVE! SA ULO NG MGA NAGBABAGANG BAKLITA…
Sinimulan ito sa pamamagitan ng isang news flash na kung saan maririnig ang mga magagandang balitang magaganap kung sakaling maluklok sa pagka-pangulo si Robredo.
“Ganda ng balita no? In fairness, nakakatuwa. Alam niyo ang sarap talaga makarinig ng mga ganyang klase ng balita. Pero hindi kasi yan totoo e, sa ngayon,” ani Kaladkaren.
Aniya, hawak ng mga botante ang kapangyarihang baguhin ang mga balitang maririnig nito sa darating na anim na taon.
"… Alam niyo ba, sa darating na May 9, may kapangyarihan tayong baguhin ang balitang maririnig natin sa susunod na anim na taon… Alam niyo imposible naman talagang walang negatibong balita, pero posibleng maging positibo ang ilan sa mga ito,” payo ni Kaladkaren.
Dagdag pa niya, malaki ang ginagampanang papel ng midya sa pagmumulat sa publiko para sa katotohanan.
"Ang trabaho po ng midya ay magmulat. Ang bias nito sa totoo — negatibo man o positibo… Tandaan, tayo po ang may hawak ng remote. Pwedeng-pwede po tayong mamili ng mga balitang gusto natin marinig, kahit ito pa ay kasinungalingan. Pero, hinding-hindi po natin malilibing ang katotohanan,” ani Kaladkaren.
Giit pa niya, malaki ang magiging resulta ng bawat boto ng mga botante dahil kapakanan ng bansa ang nakasalalay ditto.
Kaya naman payo niya, "Bumoto ayon sa konsensya. Ayon sa prinsipyo. At higit sa lahat, ayon sa katotohanan dahil dito po nakasalalay ang buhay ng ating bayan."
Bilang panapos, nag-iwan ng tanong si Kaladkaren para sa publiko. "Para sa kandidato, para sa sarili, o para sa bayan, para kanino ba ang boto mo?"