Patay ang isang public school teacher at tiyuhing Japanese nang pagsasaksakin ng kanyang nobyo bago pagnakawan, sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Manggahan, Pasig City kamakailan.

Kinilala ni Pasig City Police chief, COl. Roman Arugay ang mga biktimang sina Anna Marie Dalusong, 39, guro, at Yasunori Mori, 72, Japanese, na asawa ng tiyahin ni Dalusong, at kapwa taga-3088 Kapayakan St., Ph- 2 D2 Karangalan Village, Brgy.Manggahan.

Arestado naman ang suspek na si Christian Llona, nasa hustong gulang, nobyo ni Dalusong, at taga-Lot 5 Ph-2 B, Kapayakan St., Karangalan Village, Brgy. Manggahan, at 5 Victorino St., Brgy. Bagong Ilog, Pasig City. 

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

Sa naantalang ulat ng Pasig City Police na inilabas lamang nitong Miyerkules ng gabi, natagpuan ni Marie Louise Salvador, kaanak ni Dalusong, ang duguan at wala ng buhay na bangkay ng mga biktima sa ikalawang palapag ng mga ito dakong 8:30 ng gabi noong Marso 28.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, may mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang dalawang biktima.

Bago ang pagkakadiskubre sa mga bangkay, nakarinig pa umano ang mga kapitbahay ng ingay na nagmumula sa ikalawang palapag ng bahay ng mga biktima dakong ala-1:00 ng hapon.

Sa kuha naman ng closed-circuit television camera, ilang sandali lamang matapos ang kaguluhan ay lumabas na rin ang suspek mula sa bahay, bitbit ang isang itim na backpack at isang 32” na flat screen na TV bago dumiretso sa inuupahang bahay, na katapat lamang ng bahay ng mga biktima.

Kaagad na inaresto ng pulisya ang suspek at nakakulong na sa Pasig City Police habang inihahanda pa ang kaso nito.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo ng suspek.