Binigyan ng Commission on Elections (Comelec) ng exemption sa election-related spending ban ang Covid-19 immunization program ng Department of Health (DOH).
“Doon sa ating mga application for exemptions, especially sa social services, Department of Health, we granted the petition of the DOH’s specialized units for the immunization program against COVID-19,†ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, sa isang pulong balitaan nitong Huwebes.
Aniya, pinagbigyan din nila ang petisyong inihain ng Department of Trade and Industry (DTI).
Nakatakda rin aniya nilang talakayin sa susunod na linggo ang 20 pang petisyon na inihain sa kanilang tanggapan.
Matatandaang noong nakaraang linggo, una nang pinahintulutan ng Comelec ang pagpapatuloy ng mga Covid-19 programs ng Office of the Vice President (OVP) kahit panahon ng halalan.
Sa ilalim ng Resolution No. 10747 ng Comelec, kinakailangan ang certificate of exemption upang makapagpatupad ng mga aktibidad at mga programa na may kinalaman sa social welfare projects at services habang umiiral ang spending ban mula Marso 25 hanggang Mayo 8, 2022.
Ang national at local election sa bansa ay nakatakdang idaos sa Mayo 9, 2022.