Kung ang isang disqualification case batay sa vote buying ay isinampa laban sa isang kandidato bago ang proklamasyon, maaaring suspindihin ng Commission on Elections (Comelec) ang proklamasyon, ayon sa isang opisyal nitong Huwebes, Marso 31.

Sinabi ni Commissioner George Irwin Garcia sa isang press briefing nitong Huwebes, na maaari nilang hindi payagan ang proklamasyon ng isang kandidatong nanalo.

Kung sakaling naiproklama na ang kandidato at nagsisilbi na bilang elected official, sinabi ni Garcia na maaari pa rin nilang ipawalang-bisa ang kanyang proklamasyon.

“The rules on succession can now be effective,” aniya.

Ginawa niya ang pahayag upang burahin ang mga pagdududa na maaaring "huli na" kung ang isang kandidato ay naiproklama na. 

Kung tungkol naman sa pagbili ng boto, sinabi ni Garcia na nasa poll body ang resources, kapangyarihan, at hurisdiksyon para magpatupad ng mga patakaran.

Bumuo na ang Comelec ng task force na tinatawag na "Kontra Bigay" na pinamumunuan ni Commissioner Aimee Ferolino na tututok sa vote buying at selling.

Ito rin ay bubuuin ng Comelec, Department of Justice (DOJ), Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), Philippine Information Agency (PIA), Department of Interior and Local Government (DILG), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Dhel Nazario