Siniguro ng Philippine National Police (PNP) ang pagsasagawa ng tuluy-tuloy na operasyon laban sa mga miyembro ng komunistang New People’s Army na may nakabinbing warrant of arrest.

Sinabi ni PNP chief, General Dionardo Carlos, lalo pa nilang paiigtingin ang paghabol sa mga wanted na rebelde upang harapin ng mga ito ang kanilang kaso sa korte.

Kaugnay nito, naaresto na ng Western Visayas Police si Elmer Forro Sr., 52, secretary-general ng Bayan Muna Panay, sa Sitio Bangko, Barangay Lutac, Cabatuan, Iloilo, dakong 4:10 ng madaling araw nitong Marso 30.

Inatesto si Forro sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Iloilo Regional Trial Court Branch 76 Judge Gemalyn Faunillo-Tarol, sa kasong attempted murder at murder.

Walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng akusado.

“The CPP-NPA continues to wallow in irrelevance on the 53rd year of its campaign of terror and violence that has only made life more miserable for poor people in the countryside,” sabi pa ni Carlos.