Posibleng mapalawig pa ang libreng sakay na ipinagkakaloob ngayon ng Department of Transportation (DOTr) at Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).
Pagdidiin ni MRT-3 OIC-general manager Mike Capati, pag-aaralan ng DOTr at ng MRT-3 management kung ie-extend pa ito matapos umpisahan ang pagpapatupad nito noong Marso 28 at nakatakdang matapos sa Abril 30.
“Pag-aaralan natin iyan, ng MRT at saka DOTr management, kung puwede natin i-extend at para naman makatulong tayo sa subsidy ng mga mananakay natin,” ani Capati sa Laging Handa press briefing nitong Martes.
Una nang iniulat ng MRT-3 na naging matagumpay ang unang araw ng pagpapatupad nila ng libreng sakay matapos na mabigyan ng serbisyo ang kabuuang 281,507 pasahero noong Lunes.
Aniya, inaasahang aabot ng mula 300,000 hanggang 400,000 ang mga pasahero kada araw ng MRT-3 habang umiiral ang kanilang libreng sakay.