Kabilang si Eastern Samar Lone District Representative Maria Fe Abunda sa mga sumalubong at nagpahayag ng suporta kay Presidential aspirant at Vice President Leni Robredo sa naganap na “Pink Wave Ha Este” nitong Martes, Marso 29.
Suportado ni Abunda ang kandidatura ni Robredo at ng running mate nitong si Vice Presidential aspirant Senador Kiko Pangilinan.
Nang lumabas si Robredo sa pinakaunang beach-side grand rally nitong Martes ng gabi, kapansin-pansin kasama nito si Abunda.
Sunod na ibinalandra ng kongresista ang kanyang muling pagsuporta kay Robredo na aniya’y sinimulan ng Eastern Samar noon pa lang na tumakbo itong bise president noong 2016.
“Sigurado ako na sa Mayo 9, 2022, si Leni Robredo ang uupo sa Malacanang,” kumpiyansang saad ni Abunda sa Waray-Waray.
Inilatag din ng mambabatas ang dahilan ng kanyang muling pag-endorso kay Robredo kabilang na ang malinis nitong track records at ang totoong pagnanais nito na makatulong sa mga nasa laylayan.
Ang Borongan Eastern Samar ay ilan lang sa mga naging benepisyaryo ng anti-poverty initiative ng tanggapan ni Robredo na “Angat Buhay.”
Matatandaang nagpatayo ng dormitoryo ang Office of the Vice President (OVP) sa isang eskwelahan sa Balangkayan, Eastern Samar kung saan mas napadali ang ilang oras na paglalakad ng mga estudyante araw-araw para lang makapag-aral.
"Marunong, maayos lumaban, hinaharap kahit sino, masipag, kahit walang pera, kahit walang pondo. Sa lahat na nag-aapply sa pinakamataas na posisyon sa ating bansa, the best one for the job is a woman!" ani Abunda
Hayagan na rin ang suporta ng kongresista kay Robredo sa kanyang social media account.
“When women participate in politics, the effects ripple out across society...Women are the world's most underused resource,” makikita sa isang Facebook post ni Abunda nitong Martes.
“The last man standing is a mother,” dagdag na mababasa sa Facebook post.
Kapatid ng kilalang Kapamilya “King of Talk” Boy Abunda ang kongresista.