Kilala sa kanyang trending na mga banat sa social media, hindi nakaligtas sa wit ni Miss Universe Philippines 2014 at Eat Bulaga host Mary Jean "MJ" Lastimosa ang mga politikong ‘deny nang deny’ ng mga nakaw.
Sa kanyang pinakahuling story time sa Facebook nitong Linggo, Marso 27, nagbahagi si Mj ng isang nakakaliw na encounter sa isang Grab driver.
Tila namukhaan kasi ang beauty queen ng driver ngunit kaswal na nagdeny si Mj. “Sabi ng grab driver diba ma’am artista kayo? Sabi ko naman, ‘Ha?’ Hindi po! Sabi nya, ‘Si Mj Lastimosa kayo ‘di ba?’ Sagot ko, ‘Iba po yun!’” nakakaaliw na kwento ni Mj.
“Ayun mukhang naniwala naman sya [emoji],” aniya pa.
Hindi naman nakaligtas sa wit ng beauty queen ang mga politikong ayaw pa umanong umamin sa kanilang mga nakaw.
“Basta deny lang tayo nang deny. Yung mga politiko nga nag-dedeny ng nakaw eh tayo pa kayang ganda lang ang yaman?” dagdag na banat ni Mj sa comment section ng kanyang parehong Facebook post.
Kahit walang binanggit na pangalan, hindi naman ito nagustuhan ng ilang tagasuporta ni Presidential aspirant Bongbong Marcos Jr.
“Ms. Mj, idol na kita pero wag ka na sumawsaw sa isyu ng politics kung sino man mga sinusuportahan naten lets just respect each and every juan ok. I’im a huge fan of you..pero BBM [Bongbong Marcos] ako pero ‘di ko dinadamay kung sino ang pipiliin mong susuportahan sa eleksyonLet’s just moved on nalang,” saad ng isang netizen.
“May binanggit ba syang pangalan? Respetuhin nyo rin ang opinion nya?” tugon naman ng isang netizen para ipagtanggol ang beauty queen.
Dinepensahan naman ni Mj ang kanyang pahayag matapos puntiryahin pa ng ilang netizens.
“Bigla na lang kayong may pag-atake. Sa amin sa Cotabato maraming magnanakaw, anong pinaglalaban naten? Yung ganda ko yung point dito wag tayong lalayo sa usapan. Eme hahahahaha,” kuwelang banat ni Mj.
Nagtapos na Top 10 sa Miss Universe 2014 competition si Mj. Kilala siyang matalik na kaibigan ni Miss Universe 2020 Rabiya Mateo.