Pinalagan ng kilalang educational content creator na si Lyqa Maravilla ang isang netizen matapos sabihin nitong tagasuporta siya ng New People's Army (NPA). Dahil dito, desidido siyang magsampa ng kaso para pabulaanan ang aniya'y walang basehang akusasyon.

Sa isang Facebook post, isang screenshot ang ibinahagi ni Lyqa ang usapan nila ng isang nagngangalang Sanchez Keith, na tahasan siyang ni-redtag.

“You are a supporter of PINKLAWAN therefore you are [an] NPA (New People’s Army) supporter too?? I feel sorry for you,” saad ng netizen na mababasa sa screenshot.

Kahit sinabihang "pinklawan," kapansin-pansin na hindi pa nag-endorso ng sinumang kandidato si Lyqa sa pag-uulat.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Sinagot din agad ni Lyqa ang netizen ng isang tanong, “Are you willing to face up to your accusation in court? Na-screenshot ko na.”

“That’s a question,” agad na depensa ng netizen.

Hindi naman ito benta kay Lyqa at binantaan pa ang netizen na mayroon siyang legal team na naka-stand by para sa legal na aksyon.

“I will not tolerate baseless accusations like this ha. Sa halos isang dekada kong nagtuturo sa mga aspiring lawyers, may mga ganap na lawyer na who help me with this,” saad ni Lyqa.

Dahil sa tahasang panre-redtag, desidido umano siyang magsampa ng kaso.

Muling paglilinaw niya, “Hindi ako NPA and anyone who red tags me and puts my life at risk will suffer the consequences.”

Hindi ito ang unang beses na na-redtag ang content creator dahil lang sa kanyang pagpapahayag ng paniniwala ukol sa eleksyon, inhustisya at bukod sa iba pa.