Nagsagawa ng family planning caravan ang Las Piñas City government katuwang ang City Health Office nitong Martes, Marso 29.
Personal na binisita at tinutukan ni Vice Mayor April Aguilar ang naturang caravan sa lungsod.
Nakiisa rito ang nasa 200 na kababaihan mula sa iba’t ibang barangay ng District 1 na nasa reproductive age.
Nakatanggap sila ng libreng family planning counseling, injectables, pills, condoms at progestin.
Layunin ng nasabing proyekto na hikayatin ang mga kababaihan na pumili ng family method na nararapat para sa kanila upang makapagplano sa tamang laki ng pamilya o dami ng anak.
Ang mga nais makatanggap o makiisa sa handog na ito ng pamahalaang lokal ay maaaring makipag-ugnayan sa nasasakupan na Barangay Health Centers at alamin ang mga iba pang detalye.