Aabot sa 255 gramo ng 'shabu' na nagkakahalaga ng ₱1,734,000 ang nakumpiska sa dalawang suspek sa Taguig City nitong Marso 28.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director, Brigadier General Jimili Macaraeg ang mga naarestong suspek na sina Erin Yusa, 34, at Masulot Tasil, 50, kapwa taga-Taguig City.
Sa ulat, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at Mobile Patrol Unit (MPU) sa Creek Side, Block 43 Lot 1, Brgy. Central Bicutan, Taguig City, dakong 11:30 ng gabi nitong Lunes na ikinaaresto nina Yusa at Tasil.
Nasamsaman ang mga suspek ang iligal na droga, marked money, silver digital weighing scale at sling bag.
Nakapiit sa Taguig City Police Station Custodial Facility ang dalawang suspek na nakatakdang sampahan ng kasong Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“The buy bust operation is the result of the perseverance of our men in the ground, ito ang pangako namin na hinding hindi kami titigil sa pagpapatupad ng batas upang mapanatili ang kapayapaan sa lugar na ating nasasakupan, magsilbi sana itong babala sa mga kababayan nating patuloy pa din sa kalakaran ng illegal na droga, huminto na po kayo at magbagong buhay habang may pagkakataon pa, dahil sinisigurado kong hinding hindi namin kayo titigilan,” sabi ni BGen Macaraeg.