How true ang mga bali-balitang nagsisisi na raw si Wowowin host Willie Revillame sa hindi pag-renew ng kontrata at pag-alis sa GMA Network noong Pebrero?
Batay sa lumabas na ulat mula sa 'Bilyonaryo', tila napasubo umano si Revillame nang lumayas ito sa Kapuso Network para lumipat umano sa TV network na sinisimulang itaguyod ng bilyonaryong si dating senador Manny Villar; ito ay ang 'Advanced Media Broadcasting System, Inc.' o AMBS.
Sinasabing ang AMBS ang nabigyan ng grant ng National Telecommunications Commission o NTC na gamitin ang Channel 2 frequency na dating ginagamit ng ABS-CBN Kapamilya Network.
Ayon sa mga kumakalat na ulat, nagpadala umano ng mensahe si Revillame sa dati niyang boss na si GMA chairman at chief executive officer Felipe Gozon para makabalik sa pinakamalaking network ngayon sa Pilipinas na may prangkisa.
Medyo nangangapa pa umano ang AMBS sa ilang mahahalagang aspeto ng pagpapatakbo ng isang TV network. Wala pa umano itong transmitter. Bibilhin daw sana nito ang transmitter ng mga Lopez (may-ari ng ABS-CBN) subalit naibenta na raw ito sa TV5 at Globe.
Naiinip na raw si Willie kaya habang naghihintay umano sa pagbubukas ng AMBS, kasalukuyang napapanood ang Wowowin sa Facebook at YouTube.
Noong Marso 24, ibinalita ni Willie ang pinagdaraanan niya ngayon hinggil sa usaping kalusugan. Malalaman ngayong linggo kung cancerous ba ang polyps na natagpuan sa kaniya ng mga espesyalista, nang magpacheck-up siya. Kapag wala raw siya sa Lunes, Marso 28, malamang ay naka-confine na raw siya. Pero abiso niya, hindi siya mananahimik at magbibigay naman ng update tungkol sa kaniyang health condition.
Samantala, naglabas naman ng opinyon ang showbiz columnist na si Manay Lolit Solis tungkol dito, na mababasa sa kaniyang Instagram post. Aniya, tila hindi raw hinahanap ng televiewers si Willie dahil mas mataas raw ang rating ng programang ipinalit sa time slot niya. Ito ay ang 'Dapat Alam Mo!' nina Kuya Kim Atienza, Patricia Tumulak, at Emil Sumangil.
"Parang na-feel ko naman ang frustrations ni Willie Revillame, Salve. Imagine mo na isang buwan nang wala siya sa TV at hindi naman siya hinanap ng mga viewers. Malakas ang rating ng programang ipinalit sa time slot niya. Parang wala naman nakapansin ng programa niya sa Facebook," sey ni Lolit.
"Basta ganoon lang, nawala siya, OK lang. Iyan nga ang laging nangyayari sa mga followers mo, out of sight, out of mind. Eh hindi nga simbigat ng TV and followers ng Facebook. At kung totoo ngang malakas ito bakit hindi kinuha sa TV. Saka kung talagang ganoon karami ang may gusto kay Willie Revillame bakit wala siyang programa sa TV?"
Wala naman daw clamor ang tao na muling mapanood si Willie sa TV.
"Napatunayan ngang hindi siya gaanong kalakas dahil mas mataas ang rating ng ipinalit sa kanya, plus the fact na wala naman clamor na mapanood siya uli kaya hayun, Facebook muna siya. Hindi naman siguro gagawin frontliner agad ng Villar TV si Willie kung ganyan hindi naman pala singlakas ng inaasahan ang magiging dating niya."
"Siyempre ang gagawin mong frontliner, iyon talagang pag nakita sa istasyon mo, bulaga ang lahat. Iyon talagang bonggang- bongga talaga. Hindi na panahon ni Willie kaya tanggapin na natin na bawas ningning siya sa ngayon. Pagbalik ningning niya, iyon , bonggang-bongga ulit. Kelan kaya iyon Salve at Gorgy ? Sana hindi naman matagal," aniya pa.
Samantala, nabalitaan din ang posibilidad na mapanood ang Wowowin sa 'The Filipino Channel' o TFC ng ABS-CBN, bagama't wala pang kumpirmasyon tungkol dito.
Wala pa ring tugon ang kampo ni Willie tungkol sa napaulat na ito.