Trending ngayon ang Ginebra point guard na si LA Tenorio dahil sa pag-ako ng pagkakamali sa huling buslo nito sa Game 3 ng kanilang semifinal series laban sa NLEX Road Warriors nitong Miyerkules ng gabi.
Ito ay dahil posible pa sanang itabla ni Tenorio ang iskor sa 86, gayunman, nag-drive ito para sa kanyang 2-point shot sa papaupos na pitong segundo sa regulation period ng laro.
"Na-disorient ako sa turnover ko kaya 'di ko na nakita 'yung scoreboard, Nawala sa isip ko na wala kaming timeouts. It was very unusual for me to do that most especially in that kind of situation. I told the guys na it’s really on me, kumbaga this game is on me. Inaako ko 'yung nangyari sa amin. As one of the vets sa team, I really have to admit ano ang mistakes namin,” paliwanag ni Tenorio.
Bago pa ang kontrobersyal na buslo ay nasa 83-all ang iskor nang gumawa si Cameron Clark ng three-point play, 86-83, matapos maagaw ang pasa sana ni Tenorio kay Justin Brownlee.
Bukod sa mga teammates, nagulat din ang mga fans sa last play ni Tenorio kaya ilang minuto pa lang ang nakararaan pagkatapos ng laro ay trending na ito sa social media.
Sa Miyerkules, inaasahang makukuha na ng Ginebra ang Game 4 para makapasok na ito sa PBA 46 Season Governor's Cup Finals.
Sa pagkatalo ng Ginebra, sampung puntos lang at siyam na rebounds ang nagawa ni Tenorio.
Pinayuhan naman ni coach Tim Cone si Tenorio at ang buong koponan na pagtuunan na lamang ng pansin ang nakatakda pa nilang laro sa Marso 30.